Akala Nila’y Walang Malay

Akala nila tulog ako noong dumating ang police mobile.

Halos ala una na yata noon. Grade two ako sa elementary. Mga panahon kung kailan hindi ako halos dapuan ng antok. Nakahiga lang ako sa aking kama, dilat ang mga mata. Ungol lang ng makina ng mga motorsiklo ang naririnig ko; ang kahel na ilaw ng poste na lumiligwak sa bintana lang ang nakikita ko. Halos ala una na yata noon.

Pero makalipas ang ilan pang minutong ako’y gising, may biglang tunog ng sirena ang humalo sa mahinang mga kaluskos ng mga tao at motorsiklo sa labas. Mahina noong una, papalakas nang papalakas. Kasabay nito ang papalapit na pula at asul na naglalarong mga ilaw, humahalo sa kahel ng poste. Sa edad na pitong taong gulang, hindi ko pa alam noon kung ano ang pinagkaiba ng sirenang gamit ng pulis, ambulansya, at bumbero. Hindi ako bumangon, hindi ko rin ginising sina Mama at Papa. Ambulansya lang siguro iyon. Tutal, madalas namang may nag-aaway sa kalsada pag ganitong oras. Pero ang pula at asul na ilaw ay tumigil sa harap ng aming bintana. At ang sirena ay hindi na lumayo pa.

Akala nina Mama at Papa tulog ako nang bumangon sila mula sa kama. Nang salubungin nila ang mga taong naririnig kong nag-uusap, nag-uusisa sa labas ng bahay, nakaabang at nanonood. Nang lumipas ang ilang minuto at unti-unting mawala ang bulungan ng mga tao; at lumayo na muli ang pula at asul na mga ilaw. Nang bumalik si Mama sa kwarto nang mag-isa na lamang.

Noon pa lang ay alam ko na. Hindi ko alam kung paano, o bakit iyon ang una kong naisip. Pero sa ilang minutong iyon―nakahiga, nakikinig, at nagpapanggap na tulog―alam ko kung ano ang nangyari. Dinampot si Papa ng mga pulis.

Pagkagising ko kinabukasan ay si Papa ang unang bukambibig ni Mama. Wala pa akong tinatanong. Wala pa rin akong binabanggit. Sabi niya, “Umalis si Papa mo kagabi. Naghahanap lang siya ng work. Babalik din si Papa agad kapag may work na siya.” Akala niya’y hindi ko alam na walang trabahong napupuntahan nang ala una ng umaga.

Akala ni Mama ay hindi ko naintindihan noong sabihin niya sa akin na maglista ako ng pangalan ng mga kaklase kong kukutya sa akin. Pero alam ko na noong malamang ay nakalabas na ang balita, sa telebisyon man o sa bulong-bulungan ng ibang mga magulang sa paaralan. Hindi ko pa alam ang mga detalye. Hindi ko pa alam kung anong ginawa ni Papa. Pero alam kong nakaabot na ang mga iyon sa aking mga kaklase.

Sa kabila nito, hindi ko inasahang may kahit isang pangalan akong maililista. Hindi ko inasahang may kaklase ako, sa grade 2 sa elementarya, na tutukso ng isang kamag-aral na nakulong ang tatay. Laking gulat ko na lang nang sa ikalawang araw lang mula nang kunin si Papa, naintindihan ko nang lubos ang babala ni Mama.

Recess time noon, at ang buong klase ko ay nasa labas ng silid-aralan, nakatambay malapit sa hagdanan. Nasa ikalawang palapag kami. Kumpul-kumpol sa gilid ng hagdan ang aking mga kaklase. Kanya-kanyang grupo at ka-chikahan. Nag-kukuwentuhan tungkol sa mga palabas sa telebisyon noong nakaraang gabi. Karamihan ay may baong mga pagkain mula sa bahay, ang iba naman ay may hawak na Voice na biscuit mula sa kantina. O ‘di kaya’y isang maliit na Zesto. Tulad ng iba ay wala rin akong dalang baon noon, at galing ako sa kantina, papaakyat sa bahagi ng hagdan kung nasaan ang aking mga kaklase nang may bigla akong marinig na mga lalaking tumatawa at pabulong na nagkakantyawan sa aking likuran.

“Holdaper, holdaper!” At kaunting pagtawa. “Uy, hindi ba holdaper Daddy mo?” Mas malakas na pagtawa. Paglingon ko ay may tatlong mag-aaral na sumusunod sa akin. Kasing edad ko lang. Nakikilala ko pa ang dalawa sa kanila. Naging kaklase ko na rin noong nasa grade 1 pa lang ako.

Deretso lang ako sa paglakad, bagaman alam kong ako ang tinutukso nila. Nang makarating ako sa kumpol ng aking mga kaklase sa ikalawang palapag, lumapit na ako sa aking mga kaibigan at tumayo lang malapit sa hagdanan. Pero kahit marami na akong kasama, hindi nito natinag ang pangungutya ng mga lalaki. Pagdaan nila sa akin ay nagpakawala sila ng isang malakas na tawa, sabay sabi ng isa, “O, sabi ni Mommy ko nasa kulungan daw Daddy mo. Holdaper daw kasi. Holdaper ka rin siguro noh?” At saka na sila tumawa nang huling beses at nagpatuloy paputang ikatlong palapag.

Noong araw ring iyon ay sinabi ko kay Mama ang nangyari. Sinabi ko kung paano ako pinagtawanan. At kung ano ang mga salitang binitawan nila. At kung paano hindi ako sumagot o lumaban, dahil hindi ko naintindihan ang mga sinabi nila. Hindi ko sinabing hindi ako sumagot dahil sa pagkabigla ko. Hindi ko sukat akalain na may batang kasing-edad ko noon na manunukso nang ganoon sa kapwa bata. Pero mas hindi ko sukat akalain na ang dahilan ng pagkahuli kay Papa ay holdap. Akala ni Mama hindi ko alam ang ibig sabihin ng holdap; pero nakikinig ako ng balita sa tuwing nanonood sila ni Papa sa telebisyon gabi-gabi.

Nang matapos ko ang kwento ko kay Mama, singpula na ng kamatis ang kanyang mukha, at nangingilid ang luha sa kanyang mga mata. Ika niya sa akin, “Sabihin mo ang Mommy naman niya lubog na sa hindi mabayarang utang!” At saka tuluyang tumulo ang kanyang mga luha. Nakatingin lang ako sa kanya, hindi sigurado kung ano ang dapat sabihin o gawin. Matapos ang ilang minuto ay tumigil din siya sa pagluha, at siyang sabi, “Hindi, wag. Masama rin iyon. Bayaan mo kakausapin ko na lang ang Principal nang maisumbong ang mga batang iyon.”

“Bakit nila sinabi iyon sa akin, Mama?” “Hayaan mo lang sila. Hindi nila alam sinasabi nila. Hindi mo rin naman maiintindihan.” Iyan naman ang laging banat sa akin. Hindi ko raw maiintindihan. Akala nila’y hindi ko pa naiintindihan.

Kinabukasan ay nilapitan ako ni Mr. Martin, ang punongguro namin. Dinala niya ako sa kabilang klase. Pumasok kami mula sa pintuan sa bandang likod ng silid-aralan at tahimik na umupo sa mga bakanteng silya sa likuran. Maya-maya pa ay kinalabit niya ako, “O, sino iyong mga tumukso sa iyo kahapon?” “Si Kevin po,” sabay turo sa kanang bahagi ng silid-aralan, kung saan nakaupo sa dulo ng unang hilera ang isang maliit na batang lalaki. May kwintas siyang stainless na suot, at kahit anong oras ay nakangisi at palaging nangangantyaw ang mukha. “Siya po iyong tumutukso. Kasama po niya si Angelo, tumatawa lang. Pati iyong katabi ni Angelo. Opo. Hindi po, iyon nasa kanan po niya. Opo, siya po,” nakaturo na ako ngayon sa sa ikatlong hilera, magkatabi sa gitna ng silid-aralan, hanggang doon ay nagbubulungan at nagtatawanan.

Matapos ang araw na iyon ay hindi na ulit ako kinausap o nilapitan nina Kevin at Angelo at ng kaibigan nilang hindi ko pa rin alam ang pangalan.

Isang araw matapos ang insidente ay sinabi sa akin ni Mama na doon muna kami mamamalagi sa bahay ng aking Lola, si Nay ng aking Papa. Darating daw ang mga tita at tito ko, bibisita raw sila kaya doon muna kami para maka-bonding ko naman sila. Labis pa ang galak ko noon. Sa tuwing nandiyan kasi ang mga tito at tita, kasama nila ang mga pinsan. Pero nang dumating kami kina Lola, walang bata. Ni isa. Bukod sa akin. Isang malaking grupo ng mga matanda na sa akin.

Nasaan ang mga pinsan? A, maraming ginagawa sa school. Susunod na lang.

Kailan sila susunod? E, hindi namin alam. Pero mabilis lang iyon.

Ano po ginagawa niyo rito? A, bumisita kami para may kasama ang Lola.

Sino pong naiwang nagbabantay sa mga pinsan? E, nandoon ang mga yaya.

Bakit hindi na lang ang mga yaya ang dumalaw kay Lola? A…

A, napagod na akong magtanong. Akala siguro nila ay totoong mausisa lang ako. Akala siguro nila ay hindi ko napansin ang tiyempo ng kanilang pagbisita. Maya-maya pa ay nakumpirma ko na rin ang rason nila. Habang nanonood ako ng cartoons sa telebisyon ay sabay-sabay silang tumayo at nagkumpol sa isang bahagi ng sala. “Ma, dito ka lang.” “Sige lang, Kim. Nood ka lang muna diyan, nak.” Akala ko ba nandito sila para maka-bonding ko? Pero siyempre, hindi ko na lang tinanong.

Tulad ng akala nilang hindi ko alam ang dahilan kung bakit sila nandoon, akala rin nila hindi ko maiintindihan ang pinag-uusapan nila, marinig ko man ito. Kaya siguro hindi na sila nagpakahirap pang hinaan nang lubos ang mga boses nila. Kahit pa naririnig ko silang binabanggit ang palayaw ko nang malinaw na malinaw. “Ilang araw na rin, hahanapin na ulit siya ni Kim.” “Ginagawan naman na namin ng paraan. May kinakausap na kaming mga taga-presinto at city hall.” “E, magkano raw ba ang hinihinging kotong? Mga hinayupak talagang mga pulis iyan, o!”

At para bang ganun-ganun na lang, kaunting araw lang matapos ang pagbisita ng mga tita at tito ay biglang dumating si Papa sa bahay ng aking Lola, ng kanyang Nay. “O, ayan na si Papa. Salubungin mo na!” Sabi agad ni Mama. Paglapit ko kay Papa ay hindi halata ang mapupungay niyang mga mata. Na para bang ilang araw na siyang hindi natutulog. O hindi kaya’y umiiyak nang walang humpay. Una niyang sambit, “Na-miss mo ba si Papa?” Pero alam naman naming lahat na wala akong pwedeng isagot kung hindi, “Siyempre naman.” At saka niyakap niya ako noon.

Akala nila hindi ako galit at nagtatanong, “Ano ba kasing ginawa mo, Pa? Saan ka ba pumunta? Sino ba ang inaway mo? Holdaper ka ba? Bakit ka ba hinuli? Ano ba kasing ginawa mo, Pa?” Pero walang nagtanong sa akin kung ayos lang ba ako. Walang nagtanong kung naiintindihan ko ba ang mga pangyayari. Hindi naman mahalagang maintindihan ko, diba? Pitong taong gulang pa lang ako. Kaya ang mahalaga ay hindi ko malaman, hindi ko marinig. Ano namang masama kung marami akong tanong? Hindi ba’t ganoon naman lahat ng batang kasing edad ko?

Isang araw, may isang kamag-anak na bumisita sa bahay namin. (Sabi ni mama, kamag-anak daw, pero hindi ko pa nakita ni isang beses bago iyon, at hindi ko na rin muling nakita pa). Naglalaro ako noon ng de-gomang puzzle ng mga titik at numero na nagsilbi ring karpet sa aking kwarto. Nasa sahig ako habang nakaupo sa bingit ng kama si Papa at ang kamag-anak na hindi ko kilala. Nakatalikod sa akin si Papa pero rinig ko ang paputol-putol at mahihinang hikbi niya. “Habang nasa loob ako, wala na akong ibang inisip kung hindi ang nag-iisa ko.” (Sinubukan niyang itago pero alam kong “nasa loob ng kulungan” ang tinutukoy niya; akala niya siguro ay hindi ko maiintindihan na “nag-iisang anak” ang ibig niyang sabihin). “Nasa likod ako ng mga rehas, at hindi ko alam kung paano ako napunta roon.” (Akala ba niya ay hindi ko alam ang kahulugan ng rehas? E, lagi naman akong nakikinood ng balita sa kanila; at bakit parang ang hirap paniwalaan na hindi nga niya alam ang dahilan ng kanyang pagkakakulong?)

Hindi ko na maalala kung kanino nanggagaling ang mga sumunod na narinig kong mga balita, ang mga bagong detalye. Pero sunud-sunod ang dating. Sunud-sunod ang mga naririnig kong bulungan. Set up daw. Ginawang fall guy, kumbaga. Iyon daw bagong nakilala ni Papa sa labas ng paaralan ko, na akala niya ay magulang din, nagnakaw (o nangholdap?) at si Papa ay isinangkot. Idinawit. Ginamit.

Para bang bigla na lang natapos ang lahat nang makalaya si Papa. Akala siguro ng pamilya ko ay lalagpas na lang ang lahat. Kumuha na ng trabaho si Papa. At wala na muling nagbanggit ng mga nangyari. (O baka hindi lang nila pinag-usapan sa harap ko?) Pero ako, hindi nakalimot. Akong hindi nila kinakausap. Akong hindi nila pinapansin. Akong siyang nakapapansin. Ako siyang nakaririnig. Narinig ko ang pakikipag-usap ni Mama sa telepono pag akala niya’y ay tulog na ang lahat. Narinig ko kung paano siya magkwento tungkol sa mga pasaring na tinatanggap niya sa City Hall. (Government nurse kasi si Mama. Bukod dito ay mas kilala pa siya sa City Hall dahil ang napangasawa niya, si Papa,  ay mula sa isang prominenteng pamilya sa Pasay). Narinig ko kung paano siya magreklamo sa mga kausap niya at kung paano niya sabihing, “Nakakagago na rito sa bahay kasama itong hayop na ito.”

Mula noong pagkakakulong ay unti-unti nang nasira ang pagsasama ni Mama at Papa. Sa mga panahong akala ng mga magulang ko ay nasisiyesta ako, karaniwan ko nang marinig ang bagong tagline ni Mama, “Tang ina! Kung hindi dahil sa akin ay malamang naaagnas ka pa rin sa kulungan hanggang ngayon!” Na para bang walang bata ang magigising sa paiyak na pagsigaw ng kanyang Mama.

Ewan ko ba kung bakit kahit noong grade 5 na ako ay akala pa rin nila ay wala akong alam. Lumala lang nang lumala ang lagay ni Mama at Papa. Bihira na lang sila mag-usap sa kung mag-uusap man sila, palaging pagtatalo na lang ang maririnig. Kapag wala si Papa sa bahay ay kung minsan kakausapin ako ni Mama at magkukuwento. “Alam mo ba noong grade 2 ka, kinailangan kong lumuhod sa harap ng mga boss ko sa City Hall at magmakaawa para lang tulungan nila iyang Papa mong iyan.” “Bakit ano bang ginawa ni Papa?” “A… E, wala naman. Kailangan niya lang kasi ng trabaho.”

Noong mga panahong iyon ko napagtanto na ni minsan ay hindi pinlano ng aking pamilya na sabihin sa aking ang nangyari. Kaya tiniis ko na lang. Siguro nga ay hindi lang naiintindihan na nakulong si Papa. Siguro nga ay hindi ko kaya intindihin na nadikit si Papa sa maling mga tao at pinabayaan ang sariling masangkot sa krimen. Siguro nga ay hindi ko kailanman maiintindihan na nagsinungaling sa akin ang aking pamilya. O, siguro akala lang nila na hanggang ngayon ay wala akong alam?

Magsisimula na ako sa unang taon ko sa hayskul nang ipagtapat ko kay Mama na matagal ko nang alam ang mga nangyari limang taon nang nakalilipas. Nagtatalo kami tungkol sa papasukan kong hayskul. (Gusto ko pa noon manatili sa paaralan ko; gusto na niya akong ilipat). Sa labis na inis at pagkaburyo ay bigla ko na lang nasambit, “Alam kong nakulong si Papa.” Doon na natapos ang pagtatalo namin para sa araw na iyon.

Isa’t kalahating araw ang lumipas bago nakahanap ng magandang dahilan at panakip-butas si Mama. Paliwanag niya ay na-raid daw ang pinagsasabungan ni Papa. Wala si Papa noong naganap ang raid pero nakita ang mga manok na pag-aari niya. Ang mga pinaglalagyan ng mga manok na mga kahong karton na may mga butas sa gilid ay nakitang nakatambak sa isang toolshed sa loob ng sabungan. May pangalan ni Papa na nakasulat sa gilid. Kaya raw siya tumigil sa pagsasabong. Kaya siya humanap ng trabaho. (Pero alam ko namang humanap siya ng trabaho dahil kailangan niyang linisin ang pangalan niya. At tumigil siya sa pagsasabong dahil hindi na niya ito masabay sa kanyang pagtatrabaho).

Magbuhat ng araw na iyon, sa bawat pagtatalo ni Mama at Papa ay lagi nang binabanggit ni Mama ang pagsusugal ni Papa. Naging ugat na ng lahat ng hindi nila pagkakaintindihan ang mga manok na inalagaan ni Papa limang taon nang nakalilipas. Sa bawat sigawan ay lumulutang sa ere ang multo ng mga putol na paa ng mga natalok manok ng mga kalaban ni Papa. Hindi ko alam kung akala ba ni Mama ay nabenta sa aking ang kwentong binuo niya; o baka siya mismo ang nakulong sa sarili niyang kathang-isip.

Ngayon, anim na taong makalipas, wala na muling trabaho si Papa. Dalawang taon na mula nang umalis siya sa trabaho niya. Pinilit siya ng boss niyang magbitiw dahil ugnay siya sa isang iskandalo ng pamamalakad sa loob ng kumpanya. May mga kurap daw na mga supervisor. At dumikit lang siya para isuplong sila. Pero mukhang hindi ganoon ang nangyari. Para bang hindi na siya natuto.

Ito siya ngayon. Pangulo ng isang organisasyong panatiko ng Presidente ng Pilipinas. Walang trabaho pero palakbay-lakbay lang. Kung minsan ay sa Cavite lang, Minsan ay umaabot ng Cebu. Bumubuntot sa publicity staff ng Pangulo. Umaasa sa allowance at stipend mula sa mga tauhan ng Pangulo. Lahat ng sasabihin at gagawin ng Pangulo ay dedepensahan niya. Napakagaling daw. Matalino raw. Dapat lang daw na tanggapin ang Tsina, mahalaga ang pagiging mabait sa mga karatig-bansa. Dapat lang daw maging mahigpit diyan sa mga kriminal na iyan. Tama lang ang Death Penalty. Pero paano kaya kung may Death Penalty noong mga panahong siya’y nasangkot, nadawit, nagamit―may Papa pa kaya ako ngayon?

Ito kami ngayon. Hindi ko na siya halos makausap. Hindi ko na siya halos matingnan. Hindi ko alam kung napopoot ba akong nakulong siya noon. O baka dahil isa siya sa mga hindi nagtapat sa akin kahit kailan. Baka naman dahil hindi na siya natuto sa mga pagkakamali niya labing-isang taon nang nakalilipas?

Labing-isang taon makalipas, hindi pa natatapos ang pagsisinungaling sa akin.

Nitong nakaraang buwan, sa huling dalawang linggo ay akong walang natanggap na baon mula kay Mama. “Sorry, Nak. Nagloko credit card ko at bigla akong siningil nang buo ng bangko. Wala na muna akong mabibigay.” “Sige lang, Ma. May tira pa naman ako rito. May magagastos pa ako.”

Noong huling linggo ng nakaraan nakaraang buwan, pauwi na ako ng Pasay mula sa tinitirahan kong pansamantala sa Quezon City. Alas otso na ng gabi noon at sanay akong sinusundo ni Mama mula sa babaan ng bus. Lagi kasing marami at mabigat ang aking mga bitbitin. Pero noong gabing iyon, sabi niya ay hindi raw muna niya ako masusundo. Nasa Resorts World daw siya kasama ang kinakasama niyang lesbyana. May nag-imbita raw sa kanilang maghapunan. Libre, sayang naman kaya pumunta na siya at dadalhan na lang niya ako ng pagkain. Ikalawang beses na iyon na siya’y hindi nagsundo dahil nasa Resorts World. Kumakain. Naghahapunan.

Nitong nakalipas na linggo, inihatid ako ni Mama pabalik sa Quezon City mula sa Pasay. Sinamahan kami ng kanyang nobya. Sa bus ay nakapwesto kami sa pinakadulo, kung saan limang magkakatabi ang upuan. Nasa may bintana ang nobya ni Mama. Katabi niya si Mama, at ako ay natapat sa espasyo ng lakaran. May palabas sa telebisyon sa harapan―isang feature ng isang artista na noon ay lulong sa sugal at bisyo bago naging matagumpay. “Nako, ganyan talaga ang bisyo. Minsan kapag hindi mo binantayan, magugulat ka na lang, lulong ka na.” Wika ng artista.

Hindi ako nakatingin sa telebisyon. Hindi rin ako nakatingin kina Mama. Nakapaling ako sa kabilang bintana, sinusubukang pakinggang ang ungol ng makina ng mga nakakasabay na kotse at motorsiklo. Pinanonood ko ang mga dinaraanang ilaw ng mga poste sa may Cubao. Nang marinig ko ang mahinang boses ng nobya ni Mama, “Kaya ikaw, wag kang malulong ah!” Nasundan ng isang maliksing paggalaw naramdaman ko sa aking tabi. At narinig ko ang paghampas ng isang kamay sa bag na bitbit ng kanyang nobya.

Akala siguro nila’y wala akong narinig sa kanilang mga sinabi. Akala siguro nila’y ayos na ang lahat dahil wala akong sinabi. Akala siguro nila’y hindi ko napansin ang pagpapatahimik ni Mama sa kanyang nobya, kaya niya hinampas ang bag nito. Akala siguro nila’y hindi ko mapagtatanto na hindi nila magawang matuto sa mga pagkakamali nila noon. Akala siguro nila’y hindi ko pa rin maiintindihan.